Sabado, Hulyo 1, 2017


MRT sa Pilipinas

 "Kontrobersyal na isyu hinggil sa operasyon ng MRT at LRT"







LRT sa Pilipinas





Isa ang transportasyon sa pinakamahalagang gamit sa pang araw-araw na buhay nating mga tao. Ito ang nagsisilbing daan upang makarating ng mabilisan sa paroroonan o nais nating puntahan. Sa panahon ngayon, kakambal na ng salitang transportasyon ang salitang traffic, sa kabila ng napakaraming panuntunan, batas at ordinansang pinapatupad ng gobyerno para sa ating bansa hindi parin maikakaila na sa kabila ng napakaraming batas na ito hindi parin maiwasan o maiiwasan ang pagkakaroon ng traffic sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Sa napakaraming nangyayari o nagaganap dito sa ating bansa, isa sa napakaraming pangyayaring ito ang mapapanood natin sa telebisyon. Ang ibat-ibang uri ng aberya, isyu, krisis at problemang kinakaharap ng mga mamamayan o komyuters sa pagsakay sa MRT o Metro Rail Transit at LRT o Light Rail Transit.



"Siksikan"
"Mahabang pila"



 
           Alikabok , ibat-ibang uri ng mga sakit , hindi magagandang amoy at iba pa , ilan lamang iyan sa napakaraming dahilan na dapat paglaanan ng pagsasaalang-alang sa pag sakay ng MRT o LRT . Para sa mabilisang biyahe, mas mainam na sumakay sa naturang tren , kung pipiliin kasi nating sumakay sa taxi, bus o tricycle hindi natin maiiwasan ang makaramdam ng pagkainip dahil sa traffic. Hindi naman kaila sa ating lahat na maraming kalye ang parating sinisira at ginagawa, maraming aksidente sa kalsada at kung anu-ano pang dahilan na maaring makahadlang para makarating tayo kaagad sa ating destinasyon. Samatalang kung ang pupuntahan mo ay malapit lang sa estasyon ng MRT at LRT ay maigi pang doon kana lamang sumakay kahit traffic sa kalsada,  sa loob lang ng ilang minuto ay naroroon kana sa iyong destinasyon.
            Kung may magandang dulot sa atin ang pag sakay sa MRTo LRT mayroon din itong masamang dulot sa atin. Ayon sa masusing pag sasaliksik dahil daw sa alikabok na nalalanghap natin sa pag-akyat sa LRT at MRT ay maari tayong magkaroon ng sakit na makaaapekto sa ating baga, atay at kidney. Kung ang small particles ng alikabok na iyon ay malalanghap natin maari na tayong magkaroon ng karamdaman.
            Ayon sa mga expert sa unibersidad ng south amptor, hindi lang naman ang mga alikabok ang maaaring maging dahilan para manganib ang kalusugan. Maaari rin ang mga small particles na nasa underground railway. Dahil sa mga particles ng naroon na karaniwan ay maliit na metal na maari mong malanghap, maari itong pumasok sa iyong baga kaya mas maigi kung mag tatravel ay laging may takip ang ating ilong. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan mong makalanghap ng kung ano-anong bacteria na maaring maging dahilan para magkakaroon ka ng malalang karamdaman.
Sa usapin ng MRT at LRT , isa sa mga kontrobersyal na isyu rito ang pagpapatupad ng taas singil sa pamasahe dahilan upang salubingin ng iba’t ibang sektor ang pamahalaan at gobyerno sa kagustuhang pataasin ang singil sa pamasahe sa Light Rail Transit (1 at 2) at Metro Rail Transit (MRT) 3. Nagdala ng “thumbs down” na mga plakard ang ibat-ibang grupo sa unang araw ng implementasyon ng taas-pasahe. Nagpiket ang grupo ng mga komyuter na Riles Network, kasama ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at grupong pangkabataan na Anakbayan, sa harap ng ilang estasyon ng MRT at LRT. Naglunsad din sila ng protestang “palakpakan” sa loob ng mga estasyon at mismong mga tren ng MRT at LRT 1 at 2.
“Nagsalita na ang mga komyuter: Pinatitigil natin ang patraydor at pabigat na dagdag-pasahe. Pinatupad ng administrasyong Aquino ang mga taas-pasahe sa likod natin at sa kabila ng malawakang pagtutol at protesta,” sabi ni Sammy Malunes, tagapagsalita ng Riles.
Nagsumite naman ng petisyon ang Bayan, katuwang ang National Union of People’s Lawyers at iba pang grupo at kahit ang party-list na Buhay, sa Korte Suprema na naghihiling na maglabas ang nakatataas na korte ng temporary restraining order laban sa taas-pasahe na iniutos ng Department of Transportation and Communication (DOTC) noong panahon ng Kapaskuhan.
“Ang mga dagdag-pahirap na ito, na patraydor na inanunsiyo at ipinatupad, ay walang legal na batayan at lantarang kontra-komyuter. Pinagsisilbihan lang nito ang interes sa kita ng pribadong mga stakeholder sa sistema ng tren, samantalang binibigyang katwiran ang pag-abandona ng gobyerno sa responsabilidad nitong magbigay ng mura at episyenteng transportasyon para sa mga mamamayan,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Sinabi naman ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na kalahok din sa mga protesta, na “patikim pa lang” ng gobyerno ang taas-pasaheng ito. Nasa kontrata ng gobyerno sa private concessionaires ng MRT at LRT na mga kompanyang Ayala at Metro Pacific ang pana-panahong taas-pasahe sa loob ng 25 taong sakop ng kontrata. Dagdag pa ni Labog, katulad sa pagsasapribado sa industriya ng tubig at kuryente, nagdulot din ang pagsasapribado ng pagpapatayo at pagpapatakbo ng sistema ng tren sa Kamaynilaan ng mas mataas na singil na mabigat na pasanin sa mga komyuter at karamihan  rito’y mga manggagawa.

Paliwanag ng DOTC, magiging hudyat daw ang taas-pasahe ng pagpapabuti ng serbisyo ng MRT at LRT. Sang-ayon naman ang Malakanyang sa taas-pasahe. Matagal na raw dapat itong tinaasan at napapanahon na umanong tapyasan ang subsidyo ng gobyerno dito.
Sa bagong fare matrix, nasa P2 Bilyon ang “matitipid” ng gobyerno mula sa P12-B kasalukuyang inilalaan nito para sa MRT at LRT. Mas magagamit daw ito para sa ibang proyekto dahil mga taga-Metro Manila lamang umano ang nakikinabang sa MRT at LRT.
Pero inamin din ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya na mapupunta ang P2-B na kikitain sa taas-pasahe sa escrow account para sa pribadong consessionaires. May sovereign guarantees, o may ginagantiyang halaga ng kita, ang mga kontrata ng gobyerno sa malalaking pribadong kompanyang ito.

Ayon sa Ibon Foundation, isang progresibong research think-tank, hindi rasonable ang nasabing pagtaas dahil sapat ang kasalukuyang pasahe sa mga tren para mapunan ang gastos sa operation and maintenance (O&M) ng mga ito.
Mula Enero hanggang Setyembre sa taong 2016, nasa 1.10 ang farebox ratio matrix ng LRT 1 at 2. Sa pinakahuling datos naman ng farebox ratio ng MRT 3 ay nasa 1.17 noong 2012.
Ang farebox ratio na 1.0 ay nangangahulugan na ang fare revenue ay napupunan ang 100 porsiyentong gastusin sa O&M. Ayon pa sa Ibon, bilang isang mass transportation system, hindi dapat sa mga pasahero sinisingil ang kapital para mapaunlad ang LRT at MRT sa pamamagitan ng taas-pasahe. Dapat gobyerno ang pumapasan dito tulad ibang imprastraktura para sa serbisyong panlipunan kagaya ng pampublikong mga ospital, paaralan, at daan. Dagdag ng grupo, sa kaso ng MRT 3, ang pinalobo ang halaga ng makaisang-panig na kontrata sa build-lease-transfer (BLT) agreement ng gobyerno – isang PPP (public private partnership) na kasunduan na pinasok ng administrasyong Ramos kasama ang Metro Rail Corp. (MRTC) noong 1997. Kasama sa makaisang-panig na kontrata ang paggarantiya ng 15 porsiyentong return on investment (ROI) taun-taon at sovereign guarantees. Sabi pa ng grupong Ibon, pinipilit ng administrasyong Aquino ang pagtaas ng pasahe para sa pribatisasyon sa pamamagitan ng PPP ng LRT (1 at 2) at MRT 3 para maging mas kaakit-akit ito sa investors. Nasa mahigit 80 porsiyento ng pasahero ng MRT at LRT ay ordinaryong mga manggagawa, empleyado, at estudyante.
Nitong Setyembre lang, na-award na ang LRT1 sa Light Rail Manila Consortium (LRMC) ng Metro Pacific Investments Corp. (MPIC) ni Manny V. Pangilinan at Salim Group ng Indonesia  dambuhalang mamumuhunan na nakabase sa Australia (10 porsiyento). Nauna nang sinabi ng Ibon na ang P64.9 Bilyon na PPP deal kasama ang LRMC ay magreresulta ng garantisadong taas-pasahe sa buong 32-taong concession agreement. Babala ng grupo, ang taas-pasahe para sa LRT 1 ay simula pa lamang ng regular at mas mataas na pasahe sa ilalim ng PPP.
Samantala, nakaamba naman para sa bidding ang LRT 2 sa susunod na taon sa ilalim ng PPP ng administrasyong Aquino. Nakapaglabas na ang DOTC ng imbistasyon para sa pre-qualify to bid nitong Setyembre kasama ang LRMC, San Miguel Corp., at Japan’s Marubeni Philippines Corp.

Nanawagan naman ang Bayan Muna Party-list sa Kamara na pabilisin ang House Resolution 111 para imbestigahan ang pagtaas ng singil sa MRT at LRT. “Hindi tayo tutol sa pag-unlad o pagpapalawig ng rail systems pero tutol tayo sa iresponsabilidad ng gobyerno at corporate greed, at lalo pa ang korap na mga gawain (na ipinapataw) sa walang-muwang na mga komyuter. Tutol din tayo sa sweetheart deals na, ika nga, “ginigisa tayo sa sarili nating mantika,” ayon kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.
Sinabi pa ni Colmenares na hindi dapat ginagawang argumento ng gobyerno na hindi napapakinabangan ng mga taga-Visayas at taga-Mindanao ang MRT at LRT kaya nararapat lamang na bawasan ito ng pondo. Sa ganitong argumento, dapat na ring itigil ng gobyerno ang mga proyekto ng pagsasaayos o pagtatayo ng mga tulay sa Visayas dahil hindi ito napakikinabangan ng mga taga-Mindanao. “Hindi masamang bigyan ng subsidyo ang mga proyekto na magbebenepisyo sa isang espisipikong rehiyon, kaya kung magkapagdebelop ang gobyerno ng isang mass transportation system para sa ibang rehiyon, mainam ito. Ang masama ay yung paglikha ng banggaan at hidwaan sa pagitan ng mga rehiyon at probinsiya at pagbanggain ang mga proyekto na pinakikinabangan ng isang rehiyon kontra sa isa pa,” sabi pa ni Colmenares. Nangako naman si Malunes na ipagpapatuloy ng mga komyuter ang protesta para mabasura umano ang “great train robbery” tulad ng pagbasura sa nakaraang mga tangka na itaas ang pasahe sa MRT at LRT.

Itinuloy pa din ng gobyerno ang taas-pasahe sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit (LRT) . Ito ang pasalubong ng gobyerno sa mga suking pasahero ng MRT at LRT. Tamang-tama sapagkat nang magpalit ang taon, nagpalit din o nagtaas ng pasahe ang MRT at LRT. Hindi pinakinggan ang kahilingan nang marami na huwag itaas ang pasahe. Ilang senador at kongresista ang mariing tumutol sa MRT, LRT fare hike. Binulaga ang marami sa bagong pasahe ng MRT, LRT. Nasa 50 percent ang itinaas ng pasahe. Mabigat na pasalubong. Hindi naman dapat itaas sa ngayon ang pasahe ng MRT at LRT sapagkat hindi maayos ang serbisyo ng mga ito. Walang problema kung magtaas ng pasahe, pero dapat namang tumbasan nang magandang serbisyo. Madalas magkaaberya ang MRT pero nagtaas pa ng pamasahe. Pinagtitiisan ng mga pasahero ang madalas na pagtirik habang nasa gitna ng biyahe. Wala lang mapagpilian kaya tinitiis na lang nila ang masamang serbisyo. Araw-araw ang mahabang pila para makakuha ng card. Idagdag pa ang pag-usok at pagkalas ng bagon at pabigla-biglang pagpreno ng operator. Ang matindi ay ang nangyari noong nakaraang Agosto nang sumalpok at lumampas sa barrier ang tren ng MRT sa EDSA-Taft Station. Sa lakas ng impact, 36 na pasahero ang nasugatan. Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, human error ang dahilan kaya lumampas sa barrier. Tinatayang 500,000 ang sumasakay sa MRT araw-araw. Ganito karami ang nagtitiis sa masamang serbisyo. Katwiran ng mga sumasakay, pagtitiisan na nila sapagkat mas mabilis pa rin ito kaysa mga bus na dalawa hanggang tatlong oras natatrapik sa EDSA. Nasaan naman ang konsensiya ng gobyerno na ipinagpilitan ang dagdag na pasahe sa publiko pero sobra namang pangit ng serbisyo. Bago naman sana magtaas, siguruhin na maayos ang serbisyo. Hindi naman sana nililinlang ang publiko sa pagtataas na ito.

Problema sa MRT? Rebolusyon ang solusyon! Kung may mapagpipilian lang, hindi ang ganitong klase ng Metro Rail Transit (MRT) ang gugustuhin ng mga nagbibiyahe araw-araw. Pero kung susuriin, kinakatawan ng tren sa EDSA kung anong klase tayong mamamayan, ano-ano ang ating prioridad, at ano-ano ang ating pinabayaan. Tuwing naaantala ang serbisyo ng 17-kilometrong tren mula North Avenue sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay, nagkakagulo ang Metro Manila. Bumabaha sa social media ang mga hinaing natin sa lahat ng problema ng buhay-siyudad. Lalong nakangangalit ang dati nang malalang trapik sa lansangan. Tinatanghali sa trabaho ang mga empleyado, umiinit ang ulo natin pagdating sa bahay, may nauunsiyaming interbiyu sa trabaho, may naantalang proyekto. At susundan na ito ng litanya ng sino’ng may kasalanan. Katuwiran ng mga opisyal ng gobyerno, nakatali ang kamay nila dahil may bisa pa ang mga di-patas na kontratang pinasok ng mga nakaraang administrasyon sa mga kompanyang nagpapatakbo at nangangalaga ng MRT3. Hindi tayo makabuwelo, sabi nila, dahil limitado ang pwedeng gawin ng gobyerno sa ilalim ng mga kontratang ito, kahit na tuloy-tuloy ang paglaki ng populasyon ng Metro Manila at natural na darami rin ang pasahero ng tren.
Giit ng mga negosyante, malaki na ang naipuhunan nila sa proyektong ito, at marami pa silang balak gawin dito, basta lamang ibigay sa kanila ng gobyerno ang buong kontrol sa linya ng tren. Pero ang gusto ng gobyerno’y bawiin ang kontrol dito mula sa pribadong sektor. Paurong ang diskarte ng gobyerno sa panahong mas uso ang pagsasapribado ng mga pampublikong impraestruktura, sabi ng mga negosyante. Ang bilang ng pasaherong hinahatid ng MRT3 ay halos doble ng dapat lang nitong ibiyahe – 600,000 ang pasahero nito araw-araw gayong dinisenyo itong 350,000 lang ang kapasidad. Kasalanan ito ng pamahalaan at mga negosyante, oo, pero may pananagutan din tayong mga pasahero na dapat ay nagwawala na dahil sa natatanggap na ganitong klaseng serbisyo.






Sa mga naging balita sa taong ito pinakang isyu ang  paglihis ng isang tren sa may Taft Avenue station. May di bababa sa 38 na pasahero ang nasugatan, bumagsak sa isang kotse ang posteng nabangga ng tren, at nabulabog ang Kamaynilaan. Makaraan ang dalawang araw, tumirik naman ang isa pang tren sa may Santolan station dahil nawalan bigla ng kuryente. Sa aksidente sa Taft, nabistong hindi pinag-iisipan at hindi ligtas ang patakaran ng gobyerno sa pagsagip sa mga tumitirik na tren. Ipinaalala rin nito sa atin dati pa dapat nasimulan ang rehabilitasyon ng MRT. Na matagal na rin nating pinalampas ang kakulangan ng pamahalaan.
Nakakalimutan ba natin kung ano’ng nawawala sa atin kapag sumasakay tayo sa MRT ngayon? Wala tayong katiyakang makararating sa patutunguhan – isang batayang karapatan na sa ibang bansa’y pinahahalagahan. Ninakaw nito ang oras natin na dapat sana’y iginugugol sa paaralan, sa trabaho, sa pamilya, sa sarili – upang maging higit na kapakipakinabang tayong mga mamamayan. Bumababa ang ating pagkatao habang nakikipagsikuhan tayo para lang makasakay, at tinitiis natin ang lahat ng di sana natin gustong maamoy o makita dahil sa napakasikip na tren. Tumitigil na tayo sa paniniwalang may igaganda pa ang lipunang ating ginagalawan.
Hindi ba dapat ay nagrerebolusyon na ang taumbayan? Ipinagmamalaki ng MalacaƱang na Asia's miracle ang Filipinas, pero merong kalbaryo ang mga mamamayan araw-araw? Pero nananahimik tayo, nagtitiis. Ito raw ang dahilan, ayon kay Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya, na siyang may responsibilidad na pangasiwaan ang mass transport system ng bansa: “Personal na desisyon na” ng pasahero kung sasakay pa siya sa MRT.
Ang nakalulungkot, nagagalit tayo sa pananaw ni Abaya, pero kung tutuusin, ganito rin ang ating paniniwala. Wala sa isip natin na obligasyon ng gobyernong bigyan tayo ng ligtas at maayos na sistema ng transportasyon. Hindi natin ito isinusulong bilang karapatan. Hindi natin ito ipinaglalaban. May nabalitaan na ba tayong nagprotesta sa kapabayaan ng pamahalaan? Tinitiis natin ang ganitong kalbaryo araw-araw, samantalang napakabilis nating magkondena ng mga magnanakaw sa gobyerno, mga mamamatay-taong heneral, at nag-iiringang mga opisyal. Hanggang sa Facebook at Twitter na lang ba tayo mang-aaway? Magrereklamo tayo nang di naririnig ng kinauukulan? Bulabugin natin ang gobyerno! Huwag tayong titigil hangga't hindi ito bumibili ng karagdagang tren at kumukuha ng magagaling at matitinong railway managers. Dikdikin natin ang gobyerno para diinan din nito ang mga negosyanteng nanlalamang sa kontrata at serbisyo. Sabihin nating sa ganitong sitwasyon kayo dapat bumabali sa patakaran at bumabalewala sa mga kasunduan. Kung ipinipilit nga ninyo ang mga bagay na ipinagbabawal ng Konstitusyon, hayagan ninyong kinakalaban ang pinakamataas na hukuman, at iniikutan ninyo ang batas sa paggugol ng salapi ng bayan, siguro naman kaya rin ninyong sumugal para maging ligtas ang mga karaniwang manlalakbay? 
           
Hindi lamang ang kwestyunableng pagtaas ng singil ng MRT (Metro Rail Transit) at LRT (Light Rail Transit) ang problemang kinakaharap ng mga nasabing pampublikong transportasyon.  Isa lamang itong sintomas ng hindi maayos na pamamahala ng gobyerno sa pangunguna ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at ng pribadong sektor. Tumaas ang singil sa pasahe sa LRT 1 ng 50%, sa LRT 2 ng 66%, at sa MRT ng 87%.  Ito ay sa gitna ng resulta ng 2013 Annual Poverty Indicators Survey na gumagastos ng P42 kada araw para sa pasahe ang mga taga-Metro Manila, katumbas ito ng 6.6% ng kabuuang gastusin ng kanilang mga pamilya. Sa mga kumikita ng P20,000 kada buwan, ang karaniwang gastos nila sa pasahe ay P27 kada araw.  Ngunit kung sumasakay sila sa MRT mula North Avenue hanggang Taft, naramdaman nila ang 96% na pagtaas ng gastos nila sa pasahe.
Mas malala ang epekto sa mga sumusweldo ng minimum na ang karaniwang gastos sa pasahe ay P18, naranasan nila ang 144% na pagtaas ng gastos sa pasahe kung sila ay sumasakay sa MRT.
Lalong ikinagalit ng mga pasahero ang pag-amin mismo ni Sec. Abaya ng DOTC na ang kikitain sa pagtaas ng singil ay hindi mapupunta sa pagpapahusay ng serbisyo ng MRT kundi upang bayaran ng P600 milyon kada buwan ang kumpanyang may-ari ng lisensya o “concession” ng MRT 3.

Makikita sa kasalukuyang problema ng MRT ang maraming bagay na pwedeng mauwi sa sakit ng ulo dulot ng “public-private partnership.”  Marami ang nagtaka at nagulat nang malaman ang kumplikadong istruktura ng MRT: pribadong sektor ang may-ari nito, DOTC ang nagpapatakbo, at pribadong kontratista naman ang nagme-maintain nito.
 Ang kasaysayan ng masalimuot na partnership na ito ay nagsimula sa isang 25-taong build-lease-transfer (BLT) na kasunduan sa pagitan ng DOTC at MRT Corp. (MRTC) noong 1997, panahon ng kasagsagan ng pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo sa ilalim ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Ayon sa nasabing kasunduan, MRTC ang magtatayo ng sistema ng MRT batay sa detalyeng binuo ng DOTC.  Pagkatapos itong maitayo, uupahan naman ito ng DOTC mula sa MRTC upang pamahalaan ang operasyon, ngunit habang pinapatakbo ito, hindi maaaring mag-invest ang DOTC sa MRT sapagkat ayon sa kontrata, tanging ang MRTC ang pwedeng magdagdag ng mga bagong pasilidad dito.  Sa katunayan, noong 2014 ay tinangkang bumili ng DOTC ng 48 light rail vehicles (LRVs) ngunit naghain ng petisyon ang MRTC sa korte at nakakuha ng “temporary order of protection" mula sa Makati Regional Trial Court.
  Lumalabas na kaya ayaw ng MRTC na bumili ng LRVs ang DOTC ay dahil gusto nitong siya mismo ang mag-supply nito.  Ang biglang interes ng MRTC sa pag-iinvest sa MRT ay may kaugnayan sa Metro Pacific Investment Corp. (MPIC) ni Manuel V. Pangilinan (MVP) na siya ngayong may-ari ng 48% ng nasabing kumpanya. Ang inisyatiba ng DOTC na bumili ng mga LRVs ay salungat sa engrandeng plano ni MVP na monopolyohin ang pampublikong sistema ng tren at kalsada sa Pilipinas.  (Kontrolado na ng Metro Pacific Tollways Corp ni MVP ang 63% ng mga toll ways sa bansa.) Noong  2011, nag-alok ng 300 milyong dolyar ang MPIC upang palawakin ang kapasidad ng MRT ngunit kukunin din nito ang ibinibigay na subsidy ng pamahalaan, labas pa ito sa 350 milyong dolyar na pinambili ng kumpanya ng sosyo sa MRT.
 Sa biglang tingin, mukhang maganda ang proposal. Ngunit sa totoo, mabigat at negatibo ang kapalit.  Gusto ng MPIC ng tiyak at regular na pagtaas ng singil sa pasahe, 18% na tubo, at pag-eextend ng kontrata ng dagdag na 15 taon. Ang problema, hindi rin pwedeng magmalinis at singilin ng DOTC ang MPIC sa mga pagmamanipula nito sapagkat kabi-kabilang akusasyon ng korapsyon at pagpapabaya ang ibinibato rin sa nasabing ahensya.
Noong sinubukan ng DOTC na bumili ng mga bagong LRVs noong 2012, inakusahan ni Czech Ambassador Josef Rychtar si MRT general manager Al Vitangcol III ng bribery.  Ayon kay Rychtar, humihingi si Vitangcol ng 30 milyong dolyar kapalit ng pagpanalo sa Inekon Group, isang kumpanyang Czech, sa bidding para sa 52 bagong LRVs na nagkakahalaga ng 174 milyong dolyar. Sa huli, nakuha ng Dalian Locomotive and Rolling Stock Co., pag-aari ng China North Railway (CNR) Group, ang kontrata ngunit malakas ang hinalang “niluto” pa rin ang bidding.  Una, walang karanasan ang CNR sa paggawa ng LRVs.  Pangalawa, ang CNR at nakalabang bidder na China South Railways ZhuZhou Electric Lomotive Co. Ltd., ay parehong galing sa iisang kumpanya at pareho silang kontrolado ng gobyernong Tsina.   
Hindi lamang sa pagbili ng LRVs may  problema.  Pagkatapos maitayo ng MRT, nagkaroon ng 10-taong kasunduan sa maintenance ang MRTC at kumpanyang Sumitomo.   Kalaunan, sinisi ng DOTC ang MRTC dahil hindi nito mapwersa ang Sumitomo na palawakin ang kapasidad ng MRT.

Pagkatapos ng Sumitomo pumalit ang PH Trams-CB&T at sumunod ang Global-Autre Potre Technique Global Inc (APT).   Sa dalawang taong pagmi-mintina ng dalawang kumpanyang ito lumala ang serbisyo ng MRT 3 dahil sa kapabayaan at pagkukuripot.  Mula sa 73 ay bumaba sa 50 ang mga LRVs na napapaandar.  Sa halip na bumili ng mga bagong pyesa, kumuha sila ng mga gamit na piyesa sa mga sirang bagon.  Ang dating “sensor-based” na sistema ng pag-signal ay pinalitan lamang ng “walkie-talkies.”

Sa ngayon ay hindi pa sigurado kung ano ang mangyayari sa MRT at LRT ngunit may tatlong posibilidad. Una, gobyerno ang magmay-ari, magpatakbo, at mag-mintina sa mga ito. Pangalawa, dalawang magkaibang private concessionaires ang may kontrol ng MRTat LRT. Pangatlo, isang private concessionaire lamang ang mamahala sa parehong linya ng tren.
 Mukhang ang pangalawang opsyon ang gusto ng pamahalaan.  Gumagalaw na ito upang bilhin ang MRTC, at  ngayon ay 80% ng “bonds” nito ay pag-aari ng mga bankong kontrolado ng gobyerno.  Lumalabas ang plano ay i-buy out ang kasalukuyang private concessionaire at ibenta rin ulit ito sa isang panibagong pribadong kumpanya.  Ang pangatlong posibilidad naman ang target ng grupo ni MVP.  Bagamat tinanggihan ng DOTC ang alok ng MPIC sa MRT 3, ibinigay naman nito sa Pangilinan-Ayala consortium ang pagpapatakbo sa LRT 1 extension sa loob ng 32 taon. Kung makokontrol ni MVP ang MRT at LRT, hindi malayong siya rin ang manalo sa bidding para sa mga itatayong bagong linya ng mga tren sa bansa.  Ito ba ang gusto natin?
           
Sa nakalipas na 20 taong karanasan ng MRT, may mahabang panahon ang pribadong sektor na patunayan na kaya nito magpatakbo ng pampublikong sistema ng transportasyon. Ngunit ito ay pumalpak. Hindi maganda ang record nito sa MRT kumpara sa pamamahala ng gobyerno sa LRT. Sa palagay ng mga komyuters , panahon na para ipatupad sa Pilipinas ang isang “government-run” na sistema ng transportasyong tren katulad sa Hongkong (MTR) at Singapore (MRT) na kilala sa buong mundo dahil sa husay ng serbisyo.

Ngunit bago maabot ang isang kaaya-ayang sistema ng transportasyon na pagma-may-ari at pinapatakbo ng gobyerno at publiko, kailangan gumawa ng mga susing hakbang ang pamahalaan tungo sa direksyong ito gaya ng:

1.      Tanggapin ang katotohanang ang mga pampublikong serbisyo ay dapat paglaanan ng subsidy o ayuda mula sa pamahalaan .Sa mga mahihirap na bansa, ang mga pampublikong serbisyo ay hindi dapat pinapatakbo sa ilalim ng neo-liberal na prinsipyo ng privatization at “full cost recovery” na itinutulak ng Asian Development Bank (ADB) at World Bank (WB).  Bago naging dominante ang ideolohiyang neo-liberal, itinuturing na obligasyon ng gobyerno sa mahihirap nitong mamamayan ang paglalaan ng pampinansyang ayuda sa mga pampublikong serbisyo na galing naman sa buwis mayayamang sektor ng lipunan. Isa itong lehitimong prinsipyo at praktika na dapat balikan at muling pahalagahan ng gobyerno.
2.       Ayuda para sa publiko ay dapat manggaling sa buwis. Hindi tamang ireklamo ni Sec. Abaya ang pag-subsidize ng gobyerno sa mga pasahero ng MRT at LRT.  Sa sitwasyong 13.6% lamang ang nakokolektang buwis, isa sa pinakamababa sa Southeast Asia, at kung saan ang mahihirap lamang ang buong nabubuwisan at nakakalusot ang mga elistista at kapitalista, kagyat ang pangangailangang ireporma ang polisya ng bansa sa pagbubuwis.
3.       Singilin ang mga nagpabaya at nagsamantala. Kailangang imbestigahan ng gobyerno ang MRTC at kasalukuyang may-ari na MPIC at sa kagyat ay maningil kapalit ng mga aberya sa operasyon ng MRT 3.  Imbestigahan din dapat ang mga kumpanyang Sumitomo, PH-Trans and Global APT dahil sa palpak na serbisyo sa usapin ng maintenance.
4.       Tiyaking hindi na mapunta sa pribadong sektor ang MRT. Pagkatapos bilhin ng gobyerno ang MRT 3, dapat maglagay  ang mga mambabatas sa 2016 budget ng tagubilin na hindi pwedeng muling ibenta ng gobyerno ang ilang bahagi o ang kabuuang sistema ng tren na ito. Sa pag-buy-out ng MRT 3, hindi dapat isama sa kwentahan ang mga gastos sa kapabayaan nitong tuparin ang contractual obligations at mga liabilities buhat ng labis na kapabayaan. Hindi na dapat maulit yung sitwasyon na pera ng publiko ang gagamitin upang ayusin ang isang pasilidad para lang maibenta muli sa pribadong sektor.
Dapat publiko ang sina-subsidize ng gobyerno, hindi mga pribadong kumpanya gaya ng Indonesian-controlled Pangilinan Group.
5.       Kumbinsihin ang mga “malalaking employers” na tumulong sa gastos sa pasahe
 Bukod sa subsidy mula sa buwis, pwede ring bayaran ng mga malalaking kumpanya ang kanilang mga empleyadong naapektuhan ng pagtaas ng singil ng MRT at LRT.
 Maaari ring mag-isyu ng MRT stored value cards sa kanilang mga empleyado o kaya ay magbigay ng ibang benepisyo katulad ng pagtatalaga ng service vehicles.  Bilang pangumbinsi, kailangang magbigay ng insentibong piskal ang pamahalaan sa mga kumpanyang tutulong sa kanilang mga empleyado.
6.       Kunin ng gobyerno ang “market rents” ng MRT at LRT. Sa kasalukuyan, nakikinabang ang pribadong sektor sa pamamagitan ng pagne-negosyo sa mga istasyon ng MRT at LRT at sa access na binibigay nio sa kanilang mga malalaling negosyo gaya ng malls. Ang mga malls na malapit sa mga istasyong ito ay nag-invest para lang matiyak na naka-konekta sila sa mga ito. Maaaring singilin ng publiko ang mga malalaking kumpanya gaya ng malls para sa oportunidad na ito.  Pwedeng kolektahan ng karampatang bayad ang mga establisyamentong nakakonekta sa mga istasyon batay sa dami ng mga taong dumadaan dito.Sa halip na ipaubaya nang libre ang oportunidad na ito, dapat makipag-negosasyon ang gobyerno sa retail industry para sumosyo o kaya ay makakolekta ng share sa kita o ng “development fees” ng mga korporasyon na nakikinabang sa kanilang koneksyon sa linya ng mga tren.
Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa marami pang pwedeng gawin para masolusyunan ang problema sa pampublikong sistema ng transportasyon sa bansa.

Maaaring tingnan ang kasalukuyang krisis ng MRT bilang isang magandang pagkakataon. Magiging masaklap lamang ang mga pagkakamali kung hindi tayo matututo mula sa mga ito.  Ang krisis na ito ay oportunidad upang simulan ang pagtatatag ng isang moderno at epektibong pampublikong sistema ng transportasyon.
            Mainit siksikan at mahabang pila at pasira-sira  ganito inilalarawan ng mga komyuters na estudyante ang biyahe sakay ng Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT2). Tuwing may aberya, umaabot nang higit isang oras ang dapat sana’y 20 minutong byahe  mula Antipolo patungong Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa. “Mabilis sana na way ang pagsakay dito (LRT2) para makarating sa school, iwas-traffic siya,” ani ng mga estudyante, “pero minsan, sa pila pa lang, hassle na, mainit na. Pag-akyat mo sa platform, marami nang tao, late ka na, siksikan pa. Imbes na fresh pa yung utak mo, stressed ka na pagdating mo [sa pupuntahan mo].”
Kung tutuusin, mahalaga ang papel sa paglago ng ekonomiya ng isang maayos na sistema ng pampublikong transportasyon. “Ito ay essential service sa pagpapaunlad ng isang bansa,” ani Mel Robles, dating administrador ng LRTA. “Sa maayos na mass transport system, we have more productive time, more deliveries of goods on time, walang waste ng gasolina, walang polusyon,” dagdag niya. Pero sa anim na taon ni Robles sa serbisyo, nasaksihan niya ang unti-unting pagbitiw ng gobyerno sa tungkuling isubsidyo ang serbisyong panlipunan, kasabay ng lalong paglala ng kalidad ng operasyon ng mga tren sa bansa.
Sa tala ng Ibon Foundation, lalong dumami ang bilang ng mga aberya sa operasyon ng MRT at LRT sa kabila ng dagdag-pasahe noong 2014. Mayroong naiulat na 25 glitches o kapalpakan mula Enero hanggang Hunyo ng 2015 o katumbas ng 4 na glitches sa isang buwan. Mas mataas ito noong 2010-2014 kung kailan umabot ng dalawang aberya lamang
sa loob ng isang buwan. Naiulat kamakailan ang pagtulo ng bago sa kasagsagan ng malakas na ulan ng LRT-1 na hawak ng consortium ng malalaking negosyante na Pangilinan-Ayala.
Ayon kay Raymond Palatino, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), isa ang pag-iwas sa mga ganitong aberya sa ‘di-umano’y mga katwiran ng gobyerno sa paghihikayat ng pribadong mga negosyante para pondohan ang pampublikong transportasyon. Taliwas naman ito sa reyalidad sa ilalalim ng Public-Private Partnership (PPP)
ni Pangulong Aquino .“Isang magarbong pangalan lang ang PPP ng pribatisasyon,” ani Palatino, “ngunit ang tunay, mas nauuna yung kita higit sa mas mahalagang pangangailangan para sa servisyo-publiko. Ang nangyayari, pagtalikod ng estado sa kanyang tungkuling magbigay ng abot-kayang mass transport service.” Inaalma ng mga komyuter ang anila’y lumalalang serbisyo sa mga tren sa kabila ng pagdoble ng singil at nakaamba pang mga pagtaas sa pasahe.
Para kay Honey Grace Alfonso, ikalawang taon sa kursong Civil Engineering sa PUP, hindi makatwrian ang mataas na presyong binabayaran niya sa pampublikong sasakyan. “It’s not fair. Hindi worth it ‘yung binabayaran namin when it comes to their service – delayed trains, siksikan, ‘yung machines for cards ay hindi gumagana ‘yung ilan,” ani Alfonso. “Ang nangyayari, double-whammy. Dagdag-pasakit sa mga tao na hindi makayanan ang mataas na cost of living sa city, pero kailangan pa magbayad nang mahal sa transport para makapasok sa mga trabaho nila,” ani Miguel Aljibe, enhinyero at miyembro ng Advocates of Science and Technology for the People (Agham).
Sa pag-aaral ng Agham, ang mga mauunlad na bansa ay iyung may matatatag na mass transport system. Malaking bahagi ng kanilang badyet ang iginugugol nito sa pagpapaunlad ng  mga pampublikong tren. “Ang Pilipinas, 0.12 porsiyento lang (ng ginastos nito) ang rail investment kumpara sa Malaysia na gimagastos ng 2. 75 porsiyento at China na gumagastos ng 1.25 porsiyento ng GDP nito,”ayon sa Agham. Samantala, higit 70 posiyento ng GDP nito ang inilalaan ng bansang Spain sa rail transportation system nito, kumpara sa P17 Bilyon o 7.33 porsiyento ng badyet ng Pilipinas. “Ginagamit nito [Spain] ang rail system upang i-gear up ‘yung economy. Nagkakaroon ng mga trabaho ‘yung engineers at manggagawa nila, nagkakaroon ng research opportunities ‘yung universities,” ani Aljibe.
Sa ginagastos ng bansa na P790-B bayad-utang taun-taon, maaari umanong makagawa ng higit 11 bagong linya LRT-2, ayon sa Agham. “That 1-Trillion unprogammed pork could have built 19 new MRT-3 lines, or 438 km of new LRT tracks that is from Manila to Ilagan,” dagdag ni Albije. Tinutukoy niya rito ang lump sum appropriations o tinatawag ng marami na klase ng presidential pork barrel na nananatili sa 2016 badyet. “May pera ang gobyerno, mali lang ‘yung priorities.” . “Why should the government pass the burden on us? Don’t they realize na karamihan sa commuters ay students? Don’t they know our status? Sana tinaasan nila ‘yung pondo ng transportation para hindi nila ipapasa sa taong-bayan,” ani Alfonso. Isa ito sa mga isyung dadalhin ng mga estudyante at iba pang sektor na tumatangkilik sa pampublikog transportasyon sa malawakang protesta kaalinsabay ng huling State of the Nation Address ni Pangulong Aquino noong Hulyo 27.

            Malawakang pananaliksik , mahabang proseso , obserbasyon at maraming interbyu , ilan lamang iyan sa mga dapat na maging puhunan upang  gugulan ng mahabang panahon ang pag-aaral nito, para sa mas lalong  higit na pagpapalawig ng kaalaman at kamalayan sa mga aberyang nagaganap sa MRT at LRT , ngunit para sa mga taong nakakaranas ng ibat-ibang aberya at problemang dulot sa pagsakay rito , mas madali nilang maiintindihan at mas mabilis silang makapag bibigay ng kaukulang pahayag , opinyon at hinaing sapagkat sangkot at danas nila ang lahat ng ito .Kagaya ng mga kababayan nating komyuters, manggagawa at ibat-ibang mga sangay ng gobyerno . Marahil , mayroon pang mga aberya ang nagaganap sa loob at labas ng MRT at LRT na hindi natalakay sa pananaliksik na ito , ngunit para sa isang blogger , isang napakalaking prebelehiyo na mag ungkat at  mag saliksik ng mga bagay-bagay patungkol sa MRT at LRT.